'maging palabasa ka at marami kang malalaman'.
Yan ang madalas kong marinig mula sa aking guro nung sekondarya. Alam kong tama siya, hindi ko ipagkakaila na bata pa lamang ako ay nahihilig na ako sa pagbabasa ngunit napagkakaitan lamang ng mga librong dapat na basahin. ang mga ate at kuya ko kasi ay hindi mahilig sa gawaing ganito kaya wala akong babasahin na mahiram mula sa kanila, wala pa rin naman akong kakayahan na bumili ng mga libro na ginugusto ko nung mga panahong iyon. Unti-unting namatay ang pagkahilig ko dito dahil wala naman akong ibang mabasa kundi ang mga textbook ko. Pagpasok ko sa unang taon sa sekondarya, doon ko naisip na ipunin ang baon ko at bumili ng mga libro na ginugusto ko, nais kong buhayin muli sa aking pagkatao ang lumabong liwanag ng pagkahilig ko sa isang makabuluhang gawain. Hindi naman ako nabigo, nakabili ako ng libro at ang unang libro na nabili ko mula sa mga naipon kong baon ay ang 'abnkkbsnplako' ni Bob Ong. Naaliw ako sa aklat na yun, maganda ang pagkakagawa at ang nilalaman, lalo nitong pinaigting ang pagkahilig ko sa pagbabasa at lalo akong ginanahan na mangolekta ng libro. Nakumpleto ko ang mga aklat ni Bob Ong at marami pa kong mga aklat na nabasa, masaya ako dahil hindi ako nakukulong sa mga kaalamang sa apat na sulok lamang ng paaralan nakukuha, nakakalabas ako sa mundong dinidikta lamang ng mga textbook na binibili sa paaralan dahil kailangan ito.
pagtuntong ko sa kolehiyo ay mas nahilig ako sa pagbabasa lalo na sa mga self-help books, ilan dito ay ang 'don't sweat the small stuff series, chicken soup for teenage soul, at purpose driven'. marami akong natutunan sa mga librong iyon na nakapagpalawak ng pagtingin ko sa buhay at realidad, hinubog nito ang pagkatao ko sa maraming aspeto lalo na sa pagharap sa mga pagsubok na ibinabato sa atin ng mundo. kung paano ako pinatatag ng mga librong iyon ay ganun naman ang lungkot ko ng muli na namang bumagal ang takbo ng munti kong aklatan dahil sa kakulangan sa oras. naging bahagi ako ng organisasyon na kumakain ng maraming panahon kaya't naiwan akong naaalikabukan ang aklatang aking binuo. Marami na akong mga librong hindi nabili at hindi pa nabibili, hindi ko na nadalaw ang aklatang aking binuo hanggang sa..
sa isang araw, sa ika-apat na taon ko sa kolehiyo ng marinig kong muli ang mga katagang iyon sa aking guro mula sa asignaturang nagluluklok sa ating pambansang bayani sa mataas na karangalan at maaari rin namang kabaligtaran. muli akong nabuhayan ng marinig ko sa kaniya ng katagang "maging palabasa" naisip kong hindi pa naman huli ang lahat, maaari pa akong magsimulang muli, linisin ang aking munting aklatan, punasan ang mga alikabok at muling bisitahin ang mga pahinang minsan ng nalimot.
marami pa akong mga ninanais na mabasa, kabilang dito ang 'Tuesdays with Morrie, eleven minutes, mga aklat ni Paulo Coelho, at ang pinakabago ay ang mga gawa ng kagalang-galang na si Rene Villanueva'.
ang huling awtor na aking nabanggit ay paborito ng aking kabiyak, salamat sa kaniya at ipinakilala niya ako sa isang magaling na manunulat na alam kong mas kapupulutan ko pa ng mga aral.
gusto kong magbasa. gusto kong palaguin ang aking sariling gawang aklatan. pag-iipunan kong muli ang mga aklat na ito at sana'y may tumulong din sakin para palaguin ang maituturing kong bisyo na mayroon ako.